Friday, September 15, 2006

T.O.L.

Kapag napapaisip ako ng todo todo, nakokonsyensya ako. Hindi naman yung klase ng konsensya, na nangingitim na yung paligid ng mata ako, hindi makatulog at malalim ang kunot sa mga noo. Hindi naman ganong klaseng pagkakonsyensya. Yung konsyensyang nararamdaman ko, yung mabigat sa puso, yung hindi mo namamalayang napapailing ka na at maya maya ay may tutulong luha sa mga pisngi mo. Hindi naman sa nagdradrama ako. Malaki ang kaibahan dahil totoo kong nararamdaman ito. Ang bigat nga eh.

At ngayong gabi, heto na naman siya. Naramdaman ko na naman at naiyak na naman ako kahit ayaw ko.

Hindi ako mabait na tao. Maldita ako, masungit at spoiled brat. Pero kahit ganito ako, mahal na mahal ako ni PS. Ayoko maging mushy pero basta, kanina, madami sya ipinaliwanag. Dahil isa nga akong maldita, ayoko itong intindihin. Gusto ko tama rin ang mga sinasabi ko, ayoko nagpapatalo. "Eh bakit ba, siya lang ba may opinion?" ‘Yan... ganyan ang tumatakbo sa isip ko. Pero kanina, hinayaan ko sya magsalita at magpaintindi sa akin tungkol sa napakaraming bagay. Nung unti-unti ko tong iniitindi, napapahiya ako. Kaya ayun nakokonsyensya ako. Kung sa iba sigurong lalaki, nilayasan na ako. Pero si PS, iba siya. Sabi nya, lalo niya ako minamahal kapag ipinapaliwanag niya sa akin ang napakaraming bagay. Oo, naiinis din siya kapag pinapasimulan ko ang pagmamaktol ko. Sino ba namang hindi maiinis? Pero, pagkatapos ng ilang sandali, pipilitin niya ako intindihin, magpapaliwanag na naman siya ng madaming bagay at ako na nakagisnang ng maging isang maldita, ay makikinig ng bahagya. Ngunit hindi titigil si PS ng pagsasalita, kaya ayun, in the end, marerealize ko na, shet, nakokonsyensya na naman ako…

Minsan naiisip ko, tulad ngayong gabi, hindi na yata balansyado. Ayoko itong mafeel kase kapag nafeel ko ‘to, doon ko narerealize na masama talaga ang ugali ko. At ayaw kong malaman yon kase nalulungkot ako. Naiisip ko si PS. Hindi deserve ng isang taong walang ginawa kundi alagaan ako ang ganong klaseng ugali, kaya eto nakokonsyensya ako; mabigat ang loob at gusto na lang na lumipas ang mga araw. Para sa mga araw na iyon, sana hindi na ako ganito ka-maldita, sana mabait-bait na ako ng kaunti..

Tutal, para naman kay PS eh.